Entry: bangs Friday, November 09, 2007



Gandang-ganda ako kay KC Concepcion.  Napaka-refreshing ng face nya, lalo pa't ang personalidad nya ay iba ang dating.  Kaya tulad ng ibang fans nya, ninanais kong ihalintulad ang sarili sa kanya, kahit man lang sa pananamit at pananaw...dahil nga naman, sa tulad kong hindi nabiyayaan ng kagandahang pang-artista at buhay-mayaman, tama na ang tanawin ang mga gaya ni KC at gayahin ang magandang katangiang maaring mapulot sa kanila.

Noong nakaraang linggo, nag-bonding kaming mag-utol sa salon.  Mahaba na raw ang buhok nya, kaya kelangan nang magpagupit, bawal daw kasi sa trabaho niya na mahaba ang buhok ng lalaki.  Ako naman, nagpapahaba ng buhok, pero dahil nga balik-trabaho na ako, mahirap mag-mentena lalo na sa umaga kung nagmamadaling pumasok.  Bukod pa rito, naaalibadbaran na ako sa maalon na korte at buhaghag na buhok ko sa bandang likod.  kaya, sumabay na ako kay utol sa salon.

Magkaiba kami ng hairstylist, pero sabay kaming shinampoohan bago gupitan.  Matapos na banlawan ang buhok ko at balutan ng tuwalya sa ulo, deretso na ako sa baklang hairstylist, na mabait namang nakitungo sa akin.  Tinanong nya ako kung anong style ang gusto ko.  Sinabi ko, yung kay KC (dahil naghinayang ako sa buhok kong matagal kong pinahaba) - mahabang layered, pero less istorbo sa mukha.  Taas-kilay si bakla, at sinabi pang may bangs daw yung kay KC.  Sabi ko, ok lang, para naman maiba.  Naisip ko noon din na siopao pala ang mukha ko sa lapad, at pag may bangs, eh mukha na akong siopao na  may buhok! 

Nasa ganon akong pag-iisip at sasabihin ko na sanang wag na lagyan ng bangs, ng biglang sa dalawang istrok lang ng gunting, nagkaron ng bangs ang akong noo!! Ang ginawa ni bakla, ginupitan ang basa kong buhok ng hanggang sa may ibabang kilay. 

Cute naman pala...mukha akong grade one na siopao na may buhok... yun ay nung basa pa ang buhok ko.  Umalis na si bakla at pinalitan siya ni ateng taga-blower ng buhok.  At nang matuyo na, binalikan ako ni bakla.  Laking gulat nya nang kalahati na lang ng noo ko ang natatakpang ng ginupit nyang bangs kanina, sabay sabi, "Ay ate, buhaghag pala ang hair mo".  Hay naku, kahit anong gawin nyang remedyo, bitin na ang bangs ko. Paglabas ko sa lugar-gupitan, nakita ako ng kapatid kong nauna nang natapos at naghihintay na lang sa akin.  Sandali syang natigilan at manapa'y humalakhak sabay turo sa bago kong hairdo.  Napahiya ako ng kaunti dahil nagtinginan lahat ng customer ng salon.  At kasunod ko pa sa likod ko si baklang tingin ko'y nagsisisi at ginupit ang aking bangs.

At magpahanggang ngayon ay pinuproblema ko sa bawat umaga kung ano ang gagawin dito sa lintek na bangs ko.  Nariyan na ang i-clip, o i-payneta, punyeta!  Hindi ko naman masisisi yung stylist dahil ito nga naman ang gupit ni KC.

At napag-isip-isip ko rin, na sa susunod, wag na akong umambisyong maging kamukha ni Angelina Jolie o ni KC Concepcion.  Magdedesisyon na ako ng naayon sa tunay kong anyo...

At maging malinaw ako sa pagbibigay ng instructions sa mga stylist, para gumanda ang resulta.  Tao lang sila - kaya nilang gumawa ng ikagaganda, pero hindi milagro.

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments